Saturday, June 2, 2012

Realidad ng buhay

Habang ako ay pauwi galing trabaho biglang bumalik ang aking mga alaala ng aking kabataan. Mga bagay na masasaya ng ako ay nasa hayskul pa hanggang naisip ko na lang na hindi na ito maibabalik pa. Kaya pala siguro lagi na lang nilang nasasabi na mabuhay dapat ng walang pagsisisi at sulitin natin ito dahil ang mga panahon na iyon ay hindi na maibabalik pa. Hanggang pagbabalik tanaw na lamang ang tanging magagawa natin at wala ng iba. Ngayon ako ay nasa tamang edad na para buhayin ang aking sarili, hindi na dapat humingi ng baon sa magulang o mga kapatid. Malaya na ako kung maituturing ng iba pero meron pa rin akong mga responsibilidad na hindi ko maaaring iwan na lang.

Ang mga nagdaang panahon ay para hangin lang na dumaan at humaplos sa aking katawan. Kahit anong pilit mong habulin ito ay hindi mo mahuhuli at mahahabol. Mabilis siya at mailap. Kahit saan ay makikita mo siya ngunit hanggang doon na lang iyon. Iniisip ko ngayon ay ang paraan kung paano ako kikita ng malaki upang matustusan ang aking mga gastusin at pangangailangan. Marahil mapalad na ang ibang kaedad ko na may mga magulang pa rin na handa silang bigyan ng panustos sa kanilang mga gastusin o hindi kaya may magagandang hanapbuhay na kaya silang buhayin hanggang sila ay nabubuhay sa mundong ibabaw.

Noong araw ay marami sagana kami sa pagkain at panggastos. Hindi naman kami mayaman. May tamang panustos lang sa mga pangangailangan. Maraming lupa ang lola ko na minana niya lang sa kanyang mga magulang at kasama na rin dito ang mga naiwan na ari-arian ng aking lolo ng ito ay yumao bago pa ikasal ang ama ko. Noon sagana ang buhay, maraming pagkain sa hapag at pinamimigay pa nga ng lola ko ang sobra sa kanyang mga katiwala sa mga lupa. Naglalaro kami noon ng mga kapatid ko sa mga sako ng palay na inani galing sa bukid. Minsan pinagagalitan kami dahil maaari naming mabutas ang mga sako at matapon ang mga palay sa loob. Sadyang masaya ang mga araw na iyon ngunit hindi na ngayon.

Habang sinusulat ko ang mga talata ng aking kaisipan sa harap ng kumpyuter ay iniisip ko din ang mga mangyayari sa akin pagkatapos ko ng aking kurso. Anong trabaho kaya ang naghihintay sa  akin? Sapat na kaya ang sahod na makukuha ko sa aking unang trabaho pagkatapos ng kolehiyo? Maibabalik ko pa ba ang dating buhay na kinagisnan noong bata pa ako? Sana malaman ko ang mga kasagutan sa lalong madaling panahon.

Thursday, May 31, 2012

kalituhan sa aking isipan

Hindi ko lubos maisip na darating ako sa punto ng aking buhay na kailangan kong mamili sa kung ano ang aking tatahakin na landas. Papasok ba ako bilang isang inhinyero o magiging isang mananaliksik para sa isang malaking kumpanya. Wala akong balak na umalis ng Pilipinas para magtrabaho. Maraming trabaho ang pwede kong pasukan dito pero hindi nga lang mataas ang sahod kumpara kapag nasa ibang bansa ka. Sumagi tuloy sa aking isipan kung ano ba ang mapapala ko dito sa ating bansa kung mamalagi ako. Marahil maaari akong makatulong sa iba pero paano naman ang aking sarili? Maraming katanungan ang sumasagi sa isipan ko ngunit hindi ko mahanap ang mga kasagutan. Isang masakit na katotohanan na kailangan nating lumisan sa bayang sinilangan upang kumita ng malaking halaga. Pero ano nga ba ang kapalit ng paglisan natin? Natanong niyo ba ito sa inyong sarili kahit minsan? Malaki ang kapalit na kabayaran ng ating pag-alis. Hindi pera pero ang panahon na lilipas na malayo tayo sa ating mga mahal sa buhay. Isang mapait na katotohanan na karamihan sa atin ay nakakaranas. Mismo ang ating bansa ay naghihikahos din kahit sabihin natin na umuunlad ng paunti-unti ang ating ekonomiya. Marami pa rin sa atin ang walang mahanap na trabaho na angkop sa kanyang tinapos na kurso. Bakit nga ba tayo kailangang umalis? Pwede namang maghanap dito sa ating bansa at tumulong sa iba para mismo ang ating bayan ang manginginabang sa ating mga talino at talento. Mas magagaling ang mga Pilipino kumpara sa mga dayuhan ngunit bakit tayo naghihirap at ang iba ay patuloy sa pag-unlad? Ano ba ang meron sila na wala tayo? Puro katanungan na lang ang binibigay ko sa inyo ngunit ang lahat ng ito ay may kabuluhan. Kung isa-isa nating bibigyan ng kasagutan ang bawat tanong iyan mismo ang kasagutan sa ating kahirapan. Hindi niyo ba naisip na palaguin ang ating sariling teknolohiya para matapatan ang sa mga dayuhan. Gamitin ang ating natatanging talento at talino para mismo sila ang pumunta rito at hindi na natin kailangan pang mangibang bayan katulad ng karamihan na ang nagiging trabaho ay katulong o utusan ng mga mapanghamak na dayuhan. Madalas pa nga nila tayong yurakan at tapakan ang ating pagkatao. Ngunit hindi pa rin tayo nadala at patuloy sa paglisan. Kailan ba natin maiisip ang mga ganitong bagay? Kung huli na ba ang lahat para baguhin ang kalakaran ng mundong ginagalawan? Sana meron sa inyo na nakaisip nito at kahit minsan ay tanungin sa inyong mga sarili kung ano nga ba ang mangyayari kung tayo ay tutulong sa pag-unlad ng bayan. Hindi lang naman pera ang batayan sa pagpapalago ng ating ekonomiya. Maraming paraan at alam kong alam niyo ang sagot diyan.

Thursday, March 8, 2012

Patawarin Mo Ako

Paano kaya ako makakabawi binibini?
Upang ang kirot at hinanakit ay sa iyo mapawi
Maraming kasalanan na hindi na mabilang
Masakit sa iyong kalooban dahil paulit-ulit lang

Hindi ko rin mawari sa aking sarili
Kung bakit ko nagawa ang mga pagkakamali
Magulo ang aking isipan at nagugulumihanan
Nababalisa, hindi mapakali sa aking pagkakamali

Nagdurugo ang iyong puso, nag-aalab sa galit
Hindi mo makubli sa sarili ang hinanakit at pait
Maraming beses ka nang lumuha sa mga pagkakamali ko
Minahal mo ako ng buong-buo at higit pa sa sarili mo

Mahirap pawiin ang nagdurugo mong puso
Dahil kahit anong gawin ko ay ito ay makakapaso
Kaya narito ako lumuluhod sa harap mo nagsusumamo
Patawarin mo ako sa aking pagwawalang kibo

Marahil hindi mo pa rin tanggap ang mga pangyayari
Dahil binigay mo na rin sa akin ang iyong pag-aari
Pero umasa ka sa aking sasabihin sa iyo
Minahal kita noong umpisa ngunit nawala na lang ito

Sa maiksing panahon na tayo'y nagkasama
Ipinaramdam mo sa akin ang aking halaga
Ako na isang hamak na nilalang na nag-iisa lamang
Matagal nang naghahanap ng pagmamahal katulad ng sa isang magulang

Hindi mo ramdam ang aking pagsisisi
Walang iyak at hikbi ang iwinaglit ng sarili
Dahil sinumpa ko sa aking sarili bilang isang lalaki
Ang mga iyak at hikbi ay dapat ikinukubli

Marami akong dahilan at hindi gumagawa ng paraan
Iyan ang sinabi mo sa akin mula sa iyong kaibigan
Mahirap ang magdahilan iyan ang hindi mo alam
Ngunit ang gumawa ng paraan ay magpakailanman

Ngayon ay susumahin ko ang aking nararamdaman
Mga bagay na hindi nasabi noong ikaw ay katabi lamang
Maraming salamat sa maiksing panahon na tayo'y nagkasama
Kahit masakit ang ating hiwalayan, ang maiksing panahong iyon ay hindi ko malilimutan

Sa huli narito ako at nagsisisi, lumuluhod at nasa sa iyong 'mercy'
Ikaw na ang bahalang magpasya kung ang kapatawaran ba ay igagarantiya
Basta ang laman ng aking sarili ay nasabi ko na
Ikaw na ang bahala kung mapapatawad mo pa