Kapag meron tayo ng isang bagay hindi natin agad malaman kung ano ang halaga nito sa atin hanggang sa tuluyan na itong mawala. Sa puntong ito, saka lamang papasok sa ating isipan ang kahalagahan ng bagay na iyon. Lingid sa kaalaman natin, madalas nating ginagawa ang ugaling ito. Hindi natin namamalayan pero ganito talaga tayo. Minsan ng nangyari sa akin na marami akong pera. Hindi ko alam kung alin ang uunahin kaya kung ano na lang ang pumasok sa isip ko ay pagkakagastusan ko. Makalipas lamang ang ilang araw ay may biglang bayarin na dumating at doon ko lang naisip na sana ay nilikom ko na lang ang pera para kung mayroong kagipitan na dumating ay meron akong magagamit. Nakakainis isipin pero totoo talaga siya. Kaya madalas kapag wala akong pera ay pinaplano ko na kung saan ko ilalaan ang pera ko. Para kapag meron na ay magagamit ko ito ng wasto sa aking mga tunay na pangangailangan at hindi sa kung anu-anong gastusin lamang.
Marami sa ating mga Pilipino na mahilig pagkagastusan ang mga hindi talaga kailangan kaysa sa pangunahing kailangan natin sa pang-araw-araw. Marahil ay dala na rin ng ating kultura at kagustuhang kumawala sa hirap ng buhay. May iba na bumibili ng gamit tulad ng cellphone na touch screen at may camera pa na 8 mega pixel kung baga. Meron namang nakakalimutan ang problema sa pagbili ng laptop at pagpapakabit ng Internet. Walang ginawa kung hindi ay mag-surf sa Internet at makipag-chat kung kani-kanino. Pero lingid sa kaalaman nila ay hindi nila kinakaharap ang tunay na problema. Ang dapat gawin ay harapin ito sa pamamagitan ng tamang paggamit sa kung anong meron tayo at pagpapahalaga sa gamit nito.
Lahat ng bagay sa mundo ay may halaga. Hindi nga lang natin alam kung kailan natin ito kakalinganin. Maaaring sa oras ng kagipitan ay nagkakaroon ng halaga ang isang walang kwentang bagay sa atin o hindi kaya ito ay nagagamit sa pagsagip sa buhay ng iba. Maraming paraan kung paano ito napapakinabangan. Minsan nga lang ay ginagamit ito sa masama kaya naman pumapangit ang tingin sa bagay na ito. Nakaukit na sa bagay na ito ang karahasan sa maaring idulot nito sa atin. Sana ay marunong tayong tumingin sa posibilidad ng mga bagay na maaring mangyari sa atin kapag pinabayaan natin at hindi iningatan at pinahalagahan ang isang bagay.
No comments:
Post a Comment